Job 32
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Sa gayo'y ang tatlong lalaking ito ay nagsitigil ng pagsagot kay Job, sapagka't siya'y matuwid sa kaniyang sariling paningin. 2Nang magkagayo'y nagalab ang poot ni Eliu, na anak ni Barachel na Bucita, na angkan ni Ram: laban kay Job ay nagalab ang kaniyang poot, sapagka't siya'y nagpapanggap na ganap kay sa Dios. 3Laban din naman sa kaniyang tatlong kaibigan ay nagalab ang kaniyang poot, sapagka't sila'y hindi nakasumpong ng sagot, at gayon man ay nahatulan si Job. 4Si Eliu nga ay naghintay upang magsalita kay Job, sapagka't sila'y matanda kay sa kaniya. 5At nang makita ni Eliu na walang kasagutan sa bibig ng tatlong lalaking ito, ay nagalab ang kaniyang poot.

6At si Eliu na anak ni Barachel na Bucita ay sumagot at nagsabi, Ako'y bata, at kayo'y totoong matatanda; kaya't ako'y nagpakapigil at hindi ako nangahas magpatalastas sa inyo ng aking haka.

7Aking sinabi, Ang mga kaarawan ang mangagsasalita, at ang karamihan ng mga taon ay mangagtuturo ng karunungan.

8Nguni't may espiritu sa tao, at ang hinga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa kanila ng unawa.

9Hindi ang dakila ang siyang pantas, ni ang matanda man ang siyang nakakaunawa ng kahatulan.

10Kaya't aking sinabi, Dinggin ninyo ako; akin namang ipakikilala ang aking haka.

11Narito, aking hinintay ang inyong mga salita, aking dininig ang inyong mga pangangatuwiran, samantalang kayo'y naghahagilap ng masasabi.

12Oo, aking inulinig kayo, at, narito, walang isang makahikayat kay Job, o sa inyo'y may makasagot sa kaniyang mga salita.

13Magbawa nga kayo, baka kayo'y magsabi, Kami ay nakasumpong ng karunungan; madadaig ng Dios siya, hindi ng tao;

14Sapagka't hindi itinukoy ang kaniyang mga salita sa akin; ni hindi ko sasagutin siya ng inyong mga pananalita.

15Sila'y nangalito, sila'y hindi na nagsisagot pa; Sila'y walang salitang masabi,

16At ako ba'y maghihintay, sapagka't sila'y hindi nangagsasalita, sapagka't sila'y nangakatigil, at hindi na nagsisisagot.

17Ako nama'y sasagot ng ganang akin, akin namang ipakikilala ang aking haka.

18Sapagka't ako'y puspos ng mga salita; ang diwa na sumasaloob ko ay pumipigil sa akin,

19Narito, ang aking dibdib ay parang alak na walang pahingahan: parang mga bagong sisidlang-balat na handa sa pagkahapak.

20Ako'y magsasalita, upang ako'y maginhawahan: aking ibubuka ang aking mga labi at sasagot ako.

21Huwag itulot sa akin na pakundanganan ko, isinasamo ko sa inyo, ang pagkatao ninoman; ni gumamit man sa kanino man ng mga pakunwaring papuring salita.

22Sapagka't hindi ako marunong sumambit ng mga pakunwaring papuring salita; na kung dili ay madaling papanawin ako ng Maylalang sa akin.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Job 31
Top of Page
Top of Page