Psalm 143
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Dinggin mo ang dalangin ko Oh Panginoon; pakinggan mo ang aking mga pamanhik: sa iyong pagtatapat ay sagutin mo ako, at sa iyong katuwiran.

2At huwag kang masok sa kahatulan na kasama ng iyong lingkod; sapagka't sa iyong paningin ay walang taong may buhay na aariing ganap.

3Sapagka't pinagusig ng kaaway ang kaluluwa ko; kaniyang sinaktan ang aking buhay ng lugmok sa lupa: kaniyang pinatahan ako sa mga madilim na dako, gaya ng mga namatay nang malaon.

4Kaya't ang aking diwa ay nanglulupaypay sa loob ko; ang puso ko sa loob ko ay bagbag.

5Aking naaalaala ang mga araw ng una; aking ginugunita ang lahat mong mga gawa: aking binubulay ang gawa ng iyong mga kamay.

6Iginawad ko ang aking mga kamay sa iyo: ang aking kaluluwa ay nananabik sa iyo, na parang uhaw na lupain. (Selah)

7Magmadali kang sagutin mo ako, Oh Panginoon; ang diwa ko'y nanglulupaypay: huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin; baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa hukay.

8Iparinig mo sa akin ang iyong kagandahang-loob sa kinaumagahan; sapagka't sa iyo ako tumitiwala: ipabatid mo sa akin ang daan na aking dapat lakaran; sapagka't itinaas ko ang aking kaluluwa sa iyo.

9Iligtas mo ako, Oh Panginoon, sa aking mga kaaway: tumatakas ako sa iyo upang ikubli mo ako.

10Turuan mo akong gumawa ng iyong kalooban; sapagka't ikaw ay aking Dios: ang iyong Espiritu ay mabuti; patnubayan mo ako sa lupain ng katuwiran.

11Buhayin mo ako, Oh Panginoon, dahil sa iyong pangalan: sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa sa kabagabagan,

12At sa iyong kagandahang-loob ay ihiwalay mo ang aking mga kaaway, at lipulin mo ang lahat na nagsisidalamhati sa aking kaluluwa; sapagka't ako'y iyong lingkod.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Psalm 142
Top of Page
Top of Page