Numbers 29
Tagalog: Ang Dating Biblia
1At sa ikapitong buwan, sa unang araw ng buwan, ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod; isang araw ngang sa inyo'y paghihip ng mga pakakak. 2At kayo'y maghahandog ng isang handog na susunugin na pinakamasarap na amoy sa Panginoon, ng isang guyang toro, isang tupang lalake, pitong korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan; 3At ang handog na harina ng mga yaon, na mainam na harina, na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasangpung bahagi sa toro, dalawang ikasangpung bahagi sa lalaking tupa, 4At isang ikasangpung bahagi sa bawa't kordero sa pitong kordero: 5At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan upang itubos sa inyo: 6Bukod pa sa handog na susunugin sa bagong buwan, at sa handog na harina niyaon, at sa palaging handog na susunugin at sa handog na harina niyaon, at sa mga inuming handog niyaon, ayon sa kanilang palatuntunan, na pinakamasarap na amoy, na handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

7At sa ikasangpung araw nitong ikapitong buwan, ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; at inyong pagdadalamhatiin ang inyong mga kaluluwa; huwag kayong gagawa ng anomang gawa: 8Kundi kayo'y maghahandog sa Panginoon ng isang handog na susunugin na pinakamasarap na amoy; isang guyang toro, isang tupang lalake, pitong korderong lalake ng unang taon: na mga walang kapintasan sa inyo: 9At ang handog na harina ng mga yaon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasangpung bahagi sa toro, dalawang ikasangpung bahagi sa isang tupang lalake, 10Isang ikasangpung bahagi sa bawa't kordero sa pitong kordero: 11Isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan, bukod pa sa handog dahil sa kasalanan na pangtubos at sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina, at sa mga inuming handog ng mga yaon.

12At sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwan, ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod, at mangingilin kayong pitong araw sa Panginoon: 13At maghahandog kayo ng isang handog na susunugin, na pinakahandog na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon: labing tatlong guyang toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon: na mga walang kapintasan: 14At ang handog na harina ng mga yaon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasangpung bahagi sa bawa't toro sa labing tatlong toro, dalawang ikasangpung bahagi sa bawa't tupang lalake sa dalawang tupang lalake, 15At isang ikasangpung bahagi sa bawa't kordero sa labing apat na kordero 16At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina niyaon at sa inuming handog niyaon.

17At sa ikalawang araw ay maghahandog kayo ng labing dalawang guyang toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan: 18At ang handog na harina ng mga yaon, at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake, at sa mga kordero ayon sa bilang ng mga yaon, alinsunod sa palatuntunan: 19At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina, at sa mga inuming handog ng mga yaon.

20At sa ikatlong araw ay labing isang toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan; 21At ang handog na harina ng mga yaon at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake, at sa mga kordero ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa palatuntunan. 22At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina niyaon, at sa inuming handog niyaon.

23At sa ikaapat na araw ay sangpung toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan: 24Ang handog na harina ng mga yaon at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake, at sa mga kordero ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa palatuntunan: 25At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, sa handog na harina niyaon, at sa inuming handog niyaon.

26At sa ikalimang araw ay siyam na toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan: 27At ang handog na harina ng mga yaon at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa palatuntunan: 28At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina niyaon, at sa handog na inumin niyaon.

29At sa ikaanim na araw, ay walong toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan: 30At ang handog na harina ng mga yaon at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa palatuntunan: 31At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan: bukod pa sa palaging handog na susunugin, sa handog na harina niyaon, at sa mga inuming handog niyaon,

32At sa ikapitong araw ay pitong toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan: 33At ang handog na harina ng mga yaon, at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa palatuntunan: 34At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, sa handog na harina niyaon, at sa inuming handog niyaon.

35Sa ikawalong araw, ay magkakaroon kayo ng isang takdang pagpupulong; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod; 36Kundi kayo'y maghahandog ng isang handog na susunugin, na isang handog na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon: isang toro, isang tupang lalake, pitong korderong lalake ng unang taon, na walang kapintasan: 37Ang handog na harina ng mga yaon at ang mga inuming handog para sa toro, sa lalaking tupa, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang alinsunod sa palatuntunan: 38At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina niyaon, at sa inuming handog niyaon.

39Ang mga ito ay inyong ihahandog sa Panginoon sa inyong mga takdang kapistahan, bukod pa sa inyong mga panata, at sa inyong mga kusang handog, na mga pinakahandog ninyong susunugin, at ang inyong mga pinakahandog na harina, at ang inyong mga pinakainuming handog, at ang inyong mga pinakahandog tungkol sa kapayapaan. 40At isinaysay ni Moises sa mga anak ni Israel, ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Numbers 28
Top of Page
Top of Page